Hindi alintana ang init at usok, kasama ni Rosendo Borromeo sa jeep ang kanyang asawa at dalawa sa tatlong anak habang pumapasada sa rutang UP Ikot. Aniya, patuloy ang pagkayod niya para sa kanyang pamilya. Ngunit sa walang tigil na pagtaas ng presyo ng langis at iba pang bilihin na umuubos ng kita, pahirapan para kay Borromeo na kumita nang nakasasapat para sa araw-araw na pangangailangan.
“Sana babaan ang presyo ng diesel tsaka yung pagkain kasi ang hirap talaga,” ani Borromeo.
Dalawang buwan matapos maoperahan dahil sa hernia, agarang pumasada si Borromero upang makapagbayad ng utang, mapaaral ang tatlong anak, at makabawi sa panahong natengga ang kanyang inuupahang jeep nang ipatupad ang lockdown dulot ng COVID-19 noong 2020.
“Kumikirot pa rin pero hindi ko na iniinom ng gamot kasi dagdag-gastos lang eh. Papatong pa sa gastusin sa bahay at diesel,” aniya. Bagaman libre ang kanyang naging operasyon, kinakailangan pa rin niyang uminom ng gamot. Ngunit dahil sa kakulangan sa pera, napilitan si Borromeo na indahin na lamang ang sakit.
Daing ng mga Tsuper
Isa si Borromeo sa 14 na tsuper na pumapasada sa UP Ikot. Sa bilang na ito, kailangan nilang magbigayan ng araw ng pamamasada para kumita ang lahat ng tsuper dahil sa kakaunting bilang ng mga komyuter sa kampus gayong limitado pa rin ang pisikal na klase na ipinatutupad sa UP Diliman (UPD).
Halos P600 na lang ang kinikita ni Borromeo kada araw mula sa dating P1,500. Mula sa kakarampot na kita, kailangan pa niyang bayaran ang boundary at gasolinang pumapalo ng halos P300 sa bawat biyahe. Sa huli, barya lang naiuuwi niya para sa kanyang pamilya, aniya.
Isa lamang si Borromeo sa mga tsuper na nananawagan sa pamahalaang pababain ang presyo ng langis at mga bilihin.
Tumaas ng P28.95 kada litro ang presyo ng diesel simula noong Enero, habang P23.25 kada litro naman ang itinaas ng kerosene at P14.45 sa gasolina, ayon sa tala ng Department of Energy sa huling linggo ng Oktubre.
Ani Borromeo, kung patuloy pang tataas ang presyo ng langis, titigil na siya sa pamamasada sa UP at maghahanap ng ibang rutang mas mapagkakakitaan niya.
“Nakakapagod rin ang pumasada tapos wala namang kita. Siguro kung pwede, lilipat na lang ako ng ruta tulad ng iba kasi marami pa kaming bayarin eh,” saad niya.
Sa tala ng IBON Foundation noong Setyembre, kailangan ng isang pamilya sa National Capital Region ng arawang kita na P1,119 o P24,333 kada buwan para makasabay sa sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo. Hindi hamak na mas mababa ang kita ng mga katulad ni Borromeo kumpara sa pang-araw-araw na gastusin ng isang pamilyang nakatira sa Metro Manila.
Ngunit isa lang ang presyo ng langis sa mga dinaraing ng mga tsuper sa UPD. Sa pagbabalik-pasada nila sa unibersidad noong Setyembre, ipinatupad ang bagong traffic scheme ng mga jeepney sa loob ng kampus na, ani Borromeo, naging dahilan upang lalong bumaba ang kita nilang mga drayber.
Pagbabagong Ruta
Wala pang kagyat na plano ang Office of the Vice Chancellor for Community Affairs (OVCCA) na baguhin ang ruta ng mga jeep, ayon sa UP National Center for Transportation Studies (NCTS), isang institusyong nananaliksik sa mga suliraning trapiko sa bansa.
“Pinupulong at nagkakaroon ng usapan ang OVCCA at ang mga associations ng UP PUJ kapag nagkakaroon ng pagbabago sa ruta. Sa aming pagkakaalam, walang plano na baguhin ang ruta ng Ikot sa susunod na semestre,” tugon ng NCTS sa isang liham.
Gayunman, bukas umano ang OVCCA na makipag-diyalogo sa mga tsuper ng UP Ikot at iba pang jeep na bumabagtas sa kampus.
Sa bagong traffic scheme, tatahakin ng UP Ikot ang Magsaysay Avenue palabas ng Katipunan Avenue bago ito muling pumasok ng Shuster Street patungong National Science Complex. Malayo ito sa dating sistema kung saan nakadaraan ang mga UP Ikot sa harap ng Vinzons Hall at sa likod ng Palma Hall kung saan maraming mga estudyanteng pasahero.
Simula noong Pebrero ng 2021, binigyang-diin ng administrasyon ng UPD ang kanilang planong gawing “car-less” ang Academic Oval upang magbigay-daan sa mga non-motorized transport users tulad ng mga pedestrian at biker.
Simula noong 2008, sa ilalim ni dating Bise Tsanselor Cynthia Grace Gregorio, plano nang bawasan ang polusyon sa kampus kasabay ng pagdagdag ng mga bike lane upang gawing pedestrian area ang Academic Oval. Ngunit umani ng kritisismo ang planong ito mula sa mga grupo ng tsuper at estudyante dahil sa kahahantungang bawas-kita ng mga drayber.
Bagaman may planong gawing “car-less” ang Academic Oval, patuloy pa ring nakadaraan ang mga pribadong sasakyan sa mas maraming kalsada sa kampus, kabilang sa ilang bahagi ng Academic Oval. Tanging mga jeep patungong SM North EDSA at Pantranco lamang ang nakadaraan sa Academic Oval.
“Napakahalagang usapin ang mobility ng mga commuter sa UP campus. Sa side ng NCTS bilang research institution, ito ay magsasagawa ng online survey upang maintindihan ang mga trips ng estudyante at kawani sa papasok at sa loob ng campus,” anang NCTS. Hinihikayat din ng NCTS ang mga mananakay na maglakad o magbisikleta sa halip na mamasahe.
Kasalukuyang Tahak ng Ikot at Iba pang PUV
Parehong mga tsuper at pasahero ang nahihirapan sa kasalukuyang rutang ipinatutupad ng unibersidad, lalo pa’t idineklara na ng UP ang pagkakaroon ng full face-to-face na mga klase sa susunod na semestre. Batay sa naging sensing ng UPD University Student Council, isa ang traportasyon sa pangunahing alalahanin ng mga estudyanteng magbabalik-eskwela.
“Transportation services and learning facilities are common concerns among respondents. Suggestions include the implementation of bike-sharing services and shuttle services in the campus,” saad ng position paper ng konseho.
Gayundin, wala pang maayos na hakbangin ang pamahalaan sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis bagaman tuloy-tuloy ang panawagan ng mga grupong tulad ng PISTON, isang organisasyon ng mga tsuper at operator ng jeep. Matagal nang ipinapanawagan ng PISTON ang pagtanggal ng excise tax sa langis upang agarang mapababa ang presyo nito.
Hiling naman ni Borromeo na pakinggan ang kanilang mga hinaing at unawain ang kanilang kalagayan sa sektor ng trasportasyon sa gitna ng tuloy-tuloy na krisis na kanilang kinakaharap. Aniya, bahagi na sila ng UP at kung hindi masosolusyunan ang kanilang mga problema, maaaring tuluyan nang mawala ang mga jeep na UP Ikot.
“Ang tagal nang nandito ang Ikot, sana kaming mga tsuper din ay makapamasada pa. Sana pakinggan kami, yun lang naman hinihingi namin sa gobyerno at sa UP,” saad niya. ●