Kung mababago ni Queenilyn ang mundo, gagawin niya itong baklang-bakla—maingay, masaya, at malaya. Sa mundo niya, umaalingawngaw ang palakpakan sa paligid habang rumarampa siya. Pagharap sa mikropono, kakaway siya nang may wagas na ngiti habang nakatindig. “Akez si Queenilyn Verzosa, istariray ng Quezon City na nag-iiwan ng mga katagang: kung binato ka ng tinapay, ay day, ahitan mo ng kilay!”
Ngunit gugunaw ang mundong ilusyon ni Queenilyn sa isang bulong, “mga bakla talaga,” pang-uuyam ng mga lalaki sa sulok habang pabirong nasusuka. Mawawaglit ang ngiti sa labi, babalik si Queenilyn sa totoong mundo—kung saan ang mga kagaya niya ay pinatatahimik ng mga pasaring, sinisikil ang kaligayahan, at tinatanggalan ng espasyo para sa malayang pagpapahayag ng sarili.
Kadalasan pa ring may nakatanim na panlalait sa tuwing ibinabato ang mga salitang bakla, tomboy, bayot, o tibo. Bagaman mas nagkaroon na ng pagtanggap ang lipunan sa sektor ng LGBTQ+, hindi maipagkakaila ang pananatili ng diskriminasyong lumalagos sa antas ng uri, kasarian, at sekswalidad. Sa mga baklang tulad ni Queenilyn, nananatili ang pang-aapi dahil taliwas ang kanilang pagkakakilanlan sa atrasadong pananaw ng kasarian sa bansa.
Sisibol lang ang tunay na paglaya kapag napawi na ang lahat ng mapanghating uri na nagpapalaganap ng mapang-aping pagtingin sa kasarian. At kaakibat ng paglayang ito ang pagbawi sa mga salitang ginagamit bilang insulto—isang hakbang upang linangin ang mapagkalingang espasyo para sa lahat.
Titibo-tibo at Babakla-bakla
Nakakintal sa kasaysayan ng bansa ang masalimuot na paghulma sa lokal na karanasan ng pagiging bahagi ng LGBTQ+. Bago ang kolonisasyon, likas sa ibang komunidad sa Pilipinas na kilalanin ang mga ekspresyong lampas sa inaasahang asal ng kasalukuyan sa kalalakihan at kababaihan.
Sa ibang bahagi ng kapuluan, tinawag na mga asog, bayougin, at binabayi silang isinilang na lalaki sa batayang sekswal na katangian ngunit ang pananamit at pagkilos ay tugma sa karaniwang inuugnay sa kababaihan. Pinahihintulutan silang tanganan ang katungkulan ng babaylan, tinuturing na tagapagtawid sa pagitan ng materyal at espiritwal na mundo. Ngunit binaligtad ng pananakop ang ganitong pagtanggap. Sa pagpasok ng mga Kastila, tinaguriang mangkukulam ang mga babaylan at ginamit ang “bacla”–na ang kahulugan ay duwag–sa paglalarawan sa mga asog, bayougin, at binabayi.
Bagaman sumibol ang klasipikasyong hetero-homo na ekslusibong tumutukoy sa oryentasyong sekswal nang dumating ang mga Amerikano, mailap pa rin ang pagtanggap at pagkilala sa ganitong pagkakakilanlan. Di pa rin sipat ng lahat ang kaakibat nitong pagkakaiba sa mga kategorya ng sexual orientation, gender identity and expression (SOGIE) kaya ginagamit ang bakla at tomboy bilang pangkalahatang paglalarawan sa ibang bahagi ng SOGIE.
Liban sa kawalan ng espasyo upang pag-aralan ang iba-ibang SOGIE, nakakabit pa rin sa paggamit ng mga salita ang stigmatisasyon—ginagamit sa pangmaliit, pang-aapi sa kapwa. Ang ganitong panlipunang relasyon ang gayong kumukondisyon sa ekspresyon ng kasarian sa Pilipinas.
Hindi natural ang paghubog ng kasarian dahil itinatakda ito ng umiiral na pananaw sa lipunan, ayon sa teorya ng gender performativity ni Judith Butler, peminista at pilosopo sa Estados Unidos. Sa mga pamantayang idinidikta sa Pilipinas kung saan malapit ang ugnayan ng konserbatismo at makauring pang-aapi, paulit-ulit na pinapagampan sa indibidwal ang mga papel na ikinokonekta sa pagiging lalaki at babae. Mula sa paglalakad hanggang pananamit, pagkakasala ang sumalungat sa nakasanayang paniniwala sa kasarian.
Kaya magmula pagkabata, itinatanim na ang takot na mabansagan ng mga salitang ito–huwag gumaya sa mga baklang parlorista, itama ang malambot na pagkilos bago makutya na bading. Gayundin sa kababaihang tumataliwas sa imahen ng pagiging kimi at pasibo na binabansagang tibo o tomboy. Ang agresyon sa kumokontra sa idinidiktang “normal” ng lipunan ay kasangkapan upang panatilihin ang mga istraktura ng kapangyarihan, ayon kay Butler. Nag-uugnayan itong mga istrakturang pinagmumulan ng iba-ibang anyo ng diskriminasyon.
Sa mga isinagawang pag-aaral sa Pilipinas hinggil sa pagtatagpo ng sekswalidad, kasarian, at uri, namamayaning pananaw sa pantukoy sa isang tao bilang tomboy o bakla ay ang kanilang pisikalidad at ekonomikong katayuan sa lipunan. Nakatalaga ang salitang tomboy sa mga maralitang maskulinong lesbiyana, habang ang mga bakla ay kalimitang idinidikit sa mahihirap na lalaking homosekswal.
Kung gayon, ang diskriminasyon na nakapaloob sa mga salitang ito ay pagkamuhi sa uring pinanggalingan, pagganap sa kasarian, at ang paraan ng pagkagusto sa kapwa. Ngunit di habambuhay na yari sa isang takdang hulma ang kasarian. Nagbabago ang konteksto sa panahon, gayundin ang gamit sa wika upang isalamin ito.
Pagbawi sa kapangyarihan ng mga salita ang tunguhin ng kasalukuyang pagpapalawak ng kahulugan ng bakla at tomboy mula sa mga taong kinikilala ang sarili sa ganitong katawagan. Kabahagi ng inisyatibong ito ang paglalapat sa sariling danas at pag-aangkin ng kapangyarihan. Ang reklamasyon ay ginagawa nang kolektibo—sa pagbubuklod ng LGBTQ+ upang pumiglas sa negatibong konotasyon at lumikha ng mapagpalayang kahulugan.
Girl, Boy, Bakla, Tomboy
Salimbayan ang tunguhing biguin ang mapang-insultong pahiwatig ng bakla at tomboy, at ang buwagin ang diskriminasyon sa loob ng komunidad ng LGBTQ+. Nilalantad ng pagkakahati sa loob ng sektor ang bitak na idinudulot ng pagtingin sa isyu ng pagkakakilanlan bilang hiwalay na usapin sa mas malaking balangkas ng pang-aapi na nanunuot sa lipunan.
Nakabatay sa pang-ekonomikong posisyon ang mapanghating pananaw sa loob ng komunidad ng LGBTQ+ sa bansa, ayon sa pananaliksik ni Michael Tan, propesor ng antropolohiya sa UP. Dulot ng pananaw na ang bansag ng “bakla” ay para sa mahihirap, iniiwasan ng ibang lalaking homosekswal na nasa mas mataas na pang-ekonomikong antas ang paggamit dito. Sa umiigting na konseptong nakasunod sa asta ng mayayaman ang imahen ng pagiging disente, nabubulid ang iba sa pananaw na ang mga bakla at tomboy na mula sa maralitang komunidad ay di karespe-respeto.
Nakakaapekto ang mapanghating pananaw na makabuo ng kilusan ang LGBTQ+ para sa paglaya. Sa halip na pawang interseksyunal, dapat na unawain ang mga salik ng pang-aapi bilang magkaugnay at bahagi ng kabuuan, ayon kay Holly Lewis, propesor ng pilosopiya sa University of Texas. Ayon kay Lewis, tinitingnan ang iba-ibang porma ng diskriminasyon bilang resulta ng mga materyal na panlipunang kondisyong bahagi ng buong sistema na iniimpluwensyahan ang bawat isa.
Ang mga pang-aapi ay nakapaloob sa isang buong kaayusan ng kapangyarihan na pinanatili ang sarili sa pamamagitan ng ibayong paghahati sa mga pinapasailalim nito. Sa bisa nito, nilalayo ang mga baklang maralita sa gitnang uring bading upang itago na ang parehong uri at kasarian ay bahagi ng kabuuan, di maaring baklasin nang hiwalay.
Esensyal sa pagtatatag ng kaisahan sa komunidad na waksiin ang diskriminatoryong paggamit sa katawagang bakla at tomboy ang maitama ang mababang pagtingin sa mga ito. Sa pagpapatibay ng kaisahan, maitataguyod ang pundasyon para sa kampanya ng pag-alpas sa buong sistema ng opresyon.
Bandera ko’y Di Tutumba
Kaakibat ng pagkilala sa mga nag-uugnayang anyo ng pang-aapi, kailangang lumampas ang pagbawi ng kapangyarihan mula sa pawang salita patungo sa kongkreto at kolektibong pagkilos. May kahingian sa mga baklang ilapit ang kanilang kampanya sa mga komunidad, buuin at patagusin ang pagkakaisa sa lahat ng kapwa api.
Makahahalaw ng aral hinggil sa kampanyang mapagpalaya mula sa naging karanasan ng organisasyong ProGay Philippines na itinatag noong Setyembre 1993. Inorganisa ng grupo ang unang gay pride march sa buong Asya, tinuturing na makasaysayang marka sa pagsusulong ng aktibismo ng LGBTQ+ sa Pilipinas. Itinaguyod rin ng ProGay Philippines ang mga progresibong baklang estudyante-aktibista na tangan ang layuning itulak ang kilusan para sa pambansang paglaya.
Sa kanilang lokal na balangay sa Barangay Tatalon, Quezon City, tinatawag ng mga miyembro ang kanilang sarili bilang bekinals o mga baklang kanal. Pamilya ang turing ng mga bekinals sa isa’t isa na sama-samang tumutugon sa kahirapan at diskriminasyong kinakaharap ng maralitang lungsod. Natagpuan nila ang kapangyarihan sa kaisahan, niyakap ang katawagang bakla, at nagagap na di kailangang makuntento sa pangnungutya ng iba.
Kabilang sa kasalukuyang kampanya para salagin ang diskriminasyon, mahalaga rin ang laban sa Kongreso upang maipasa ang SOGIE Equality Bill. Layon ng batas na protektahan ang mga indibidwal mula sa diskriminasyon sa batayan ng SOGIE. Di na lamang ito sa pawang pagbawi ng mga salita, ngunit sa pagbuo ng ligtas at malayang espasyo para sa mga LGBTQ+ laban sa diskriminasyon at pandarahas sa kanilang komunidad.
Sa paglaya, hangad nating makawala na ang mga bakla sa di makataong kondisyon ng trabaho, ang mabahagian ng sariling lupa ang mga tomboy na nagpapagal sa sakahang binubungkal, at ang mawaksi ang anumang panghuhusga dahil sa kanilang pagkilala sa sarili. Lahat ng nakasanayan ay dapat na usisain—at nangangahulugan ito ng aktibong pagsugpo sa nakagawiang takbo ng lipunan. Dahil sa huli, kung may isang nais tayong lahat, ito’y hindi na makulong sa ilusyon ang hangad na malayang mundo. ●