Masisipat sa kasaysayan ang mga tagumpay na nakamit ng nagkakaisang lakas ng kilusang estudyante sa UP. Sa paglakas ng pambansang demokratikong kilusan sa mga pamantasan noong dekada 60s, kabilang ang mga lider-estudyante sa UP na determinadong nag-organisa sa hanay ng kabataan sa unibersidad. Mula rito, nagbagong-hubog ang mga institusyong pang-estudyante upang magsulong ng progresibong pagbabago sa loob at labas ng pamantasan.
Ano pa’t sa lipunang walang puwang sa karapatan at katarungan, tanging marahas na kinabukasan lamang ang ating kahahantungan. Kaya lampas sa hangganan ng kanilang mga tanggapan, at higit pa sa mga alituntunin ng kanilang tungkulin, isa ang kilusang estudyante sa mga sumusuong sa unos ng mapanupil na estado.
Ngayon, binabagtas natin ang isa na namang madilim na yugto sa kasaysayan—ang tumitinding paglabag sa karapatang pantao ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., pagbulusok ng pang-ekonomikong kalagayan ng bansa, at pagsandig ng estado sa mga dayuhang interes na matagal nang itinutulak sa kapahamakan ang bayan.
Tumitindi na ang kahingian sa pagpapalakas ng aktibong partisipasyon ng mga estudyante na kolektibong kikilos upang tugunan ang mga lumulubhang suliranin ng ating panahon. Salimbayan sa pagharap sa mga pambansang krisis, kahingian din ngayon ang pagpapalakas ng kampanya para sa kalayaang pang-akademiko at tunay na representasyon para sa mga estudyante.
Matutunton sa sariling pwersa ng estado ang pagkakasala sa dumaraming kaso ng pandurukot at sapilitang pagkawala ng kabataan sa bansa. Ito ang isiniwalat ng matapang na pagharap ng kabataang aktibista na sina Jonila Castro at Jhed Tamano matapos makalaya mula nang dakipin sila ng mga militar nitong Setyembre.
Sa patuloy na pang-aatake ng estado sa kabataan, marapat na kaisa ang administrasyong UP sa pagkondena sa pagdami ng presensya ng kapulisan at militar sa iba-ibang kampus. Ngunit mismong UP pa ang nagbigay-daan upang malayang makapasok ang mga pwersa ng militar sa kakarampot na ligtas na espasyong mayroon tayo. Higit pang nakakaalarma, naiulat kamakailan ang pang-red-tag at pagsampa ng gawa-gawang kaso ng militar sa isang estudyante mula sa UP Los Baños matapos tumulong sa isang fact-finding mission sa Timog Katagalugan.
Sa ganitong uri ng ligalig na nararanasan ng pamantasan, ang kabataan ang may tungkulin na patibayin at pagkaisahin ang laban ng iba-ibang sektor sa komunidad ng UP. Ngunit ito ang kailangan muna nating harapin: Nangingibabaw ang pagkakawatak-watak ng mga estudyante ngayon sa UP.
Hindi na maipagkakaila ang humihinang partisipasyon ng mga estudyante sa mga mahahalagang isyu sa pamantasan. Ngayong taon, lalo lamang bumagsak ang matagal nang bumababang voter turnout sa eleksyon sa University Student Council at mga Local College Council. Gayundin, kapansin-pansin ang pagbaba ng partisipasyon ng mga estudyante sa mga gawaing pagkilos, educational discussions, at mobilisasyon mula nang manumbalik sa pisikal na setup ang pamantasan.
Malaking puwang sa tunay na representasyon ng mga estudyante ang hindi napupunan dahil sa kawalan ng maayos na transisyon mula noong pandemya. Liban sa kawalang-aksyon ni Pangulong Angelo Jimenez sa mga suliraning direktang umaatake sa kaligtasan ng mga estudyante, gayundin ang pananatiling pasibo ng kanyang adminstrasyon sa mga isyung nagpapahirap sa buong komunidad ng UP. Bagaman nagpakita ng suporta laban sa budget cut na nakaambang matamo ng unibersidad, litaw ang kawalan ng pangil ng kasalukuyang administrasyon na pangunahan ang kampanya ng mga estudyante para sa demokratiko at aksesibleng edukasyon.
Sa normalisadong pagpapabaya sa iba-ibang krisis na nararanasan ng mga estudyante, at sa nabubuong takot sa sunod-sunod na karahasan ng estado laban sa kabataan, natutulak ang kabataan sa indibidwalistikong pagtugon sa kanilang hinaharap na suliranin. Dito, namumuo rin ang kawalan ng interes o pangamba na kumilos laban sa patong-patong na krisis ng pamantasan.
Ngunit kritikal sa panahon ngayon na madalumat ng kaestudyantehan ang kanilang potensyal na mag-organisa at tumangan ng katungkulan bilang mga lider-estudyante.
Malaking tungkulin na kailangan bunuin ng mga lider-estudyante ang maipadama sa kapwa estudyante ang halaga ng kanilang papel sa paggiit ng pagbabago sa sosyo-politikal na estado ng UP. Sa gawaing pag-oorganisa, mahalaga ang pagkakaroon ng matalas na kampanyang bitbit ang interes ng buong komunidad sa UP. Mabubuo lamang ito kung puspusang nakikipag-ugnayan ang mga lider-estudyante sa mga estudyante sa parehong antas, birtwal man o on-ground.
Ang malawak na hanay ng nagkakaisang kabataan ang pinaka-esensyal upang mapagtagumpayan ang tunay na representasyong pang-estudyante. Mula rito, lalagos ang pagkilos laban sa iba-ibang porma ng represyong nararanasan ng kabataan. Kung gayon, gampanin ng mga konseho, publikasyon, at mga pang-masang organisasyon na pangunahan ang pag-oorganisa upang mahubog ang pulitikal na kamalayan ng mga estudyante sa pamantasan.
Kasabay nito ang pagtanggap sa bukas na pag-uusig ng mga estudyante sa mga institusyong pang-estudyante na kumakatawan sa kanila—at kung kinakailangan, ang pangingilatis sa mga kakulangan at pagpapanagot sa anumang pagkakasala.
Higit, mahalaga ang salimbayan na pagpapahusay sa pagkilos at ang palagiang pagharap sa mga wastong pagpupuna at kahandaan sa pagtatama ng mga ito. Sa mahigpit na pagtalima sa tungkuling ito, maibabalik ang buong tiwala ng mga estudyante sa pagkilos kasama ang buong komunidad ng UP.
Minsan nang napagtagumpayan ng kilusang estudyante ang radikal na pagbabago na kinakailangan ng kanilang panahon. Nasa kolektibong lakas nating mga estudyante na linangin ang kinabukasan kung saan wala nang umiiral na paninikil. Mag-uumpisa lamang ito kung ang bawat kabataan ay may buong tiwala na makakamit natin ang progresibong pagbabago. Panahon na ng ating pagsuong sa masalimuot na proseso ng pagpapanibagong-hubog, upang bilang nagkakaisang lakas, handa na nating malalabanan ang tumitinding unos ng ating panahon. ●